ISSN: 2782-893X
eISSN: 2799-0664
Ang telebisyon ang isa sa mga pinakamakapangyarihang midyum na nakaaapekto sa buhay ng mga bata (Media Awareness Network). Subalit nakadepende sa mga sumusunod na salik ang laki ng epekto nito: (1) uri ng palabas na pinanonood at kung gaano sila kadalas manonood, (2) ang kanilang edad at personalidad, (3) kung mag-isa o may kasamang nanonood, at (4) kung ipinaliliwanag sa kanila ng mga magulang at mga kasamahan ang mensahe at diwa maging ang mga bahaging di nauunawaan sa pinanonood. Nilalayon ng pag-aaral na ito na matukoy ang kulturang popular sa mga adbertisment pantelebisyon sa pangkalahatan. Sa maraming adbertisment, tatlo ang pinili at sinuri ng mananaliksik. Napag-alamang ang mga napili ay angkop ding gamitin bilang kagamitan at lunsaran sa pagtuturo sa dahilang ang mga ito’y nagpapahayag ng makabuluhang ideya, kapupulutan ng aral sa buhay at nagbibigay inspirasyon para sa isang mabuting pakikisama o pakikipagkapwa-tao.