ISSN: 2782-893X
eISSN: 2799-0664
— Sa mundo kung saan ang matamis ay nagiging mapait; at ang mapait ay nagiging matamis, maraming pagkakataong nalilimot na ang tunay na ugat ng ating kultura at tradisyon. Ang mga tradisyunal na sulatin ay isa sa pinakamahalagang yaman na nakalimbag at patuloy na yumayabong sa paglaon ng panahon. Subalit paano na nga ba kung kasabay ng mabilis na pagbabago ng panahon ay ang unti-unti na ring paglimot sa ating kinagisnang kultura’t tradisyon? Ang pag-aaral na ito ay tungkol sa kahusayan sa pagsulat ng tradisyunal na tula ng mga mag-aaral na nasa ikalabing isang baitang ng klaster 2 sa dibisyon ng Urdaneta City. Hinangad sa pag-aaral na ito na matanto ang ng kahusayan sa pagsulat ng tula ng mga mag-aaral batay sa mga sumusunod na elemento: sukat, tugma, talinghaga, larawang diwa at tema. Ginawa ang pag-aaral na ito upang makita ang mga suliraning kinakaharap ng mga mag-aaral sa pagsulat ng tradisyunal na tula at makapagbigay ng mga mungkahing gawain upang lalong mahubog ang galing at husay ng mga mag-aaral ng klaster 2 sa dibisyon ng Urdaneta City. Gamit ang slovin’s formula, natukoy ang bilang ng mga respondente sa ginawang pag-aaral. Ang pag-aaral na ito ay gumamit ng deskriptibong korelasyon na paraan ng pananaliksik. Gumamit ng talatanungan upang malikom ng mananaliksik ang mga datos na kailangan sa profayl at para malaman ang kaugnayan nito sa kakayahan ng mga mag-aral sa pagsulat ng tradisyunal na tula. Naging malaya sa pagpili ng paksa ang mga mag-aaral sa kanilang sinulat na tradisyunal na tula na kalaunan ay ini-balweyt ng tatlong gurong eksperto sa Filipino. Ayon sa resulta ng pag-aral, magkakaiba man ang nakuhang korelasyon at kabuluhan ng bawat profayl ng mga mag-aaral sa makabuluhang ugnayan ng kahusayan sa pagsulat ng tula ng mga mag-aaral batay sa kanilang profayl, lumabas na walang makabuluhang ugnayan ang profayl ng mga mag-aral sa kahusayan sa pagsulat ng tula.