ISSN: 2782-893X
eISSN: 2799-0664
— Sa ating pang-araw-araw na pamumuhay ay hindi maikakailang mahalaga ang wika sapagkat ito ang pangunahing behikulo ng matagumpay na pakikipagtalastasan. Itinuturing itong daan upang maipaabot natin nang malinaw at maayos ang ating kaisipan, saloobin, at impormasyon na nagpapalakas ng ugnayan mga tao sa lipunan. Maaari ding isaalang-alang ang teknolohiya bilang kasangkapan sa epektibong pakikipag-ugnayan sa mga mag-aaral o maging tulay ng pagtatawid ng mga aralin patungo sa kanila. Kaugnay nito, ang pananaliksik ay nakatuon sa paglikha ng isang web-based tool na makatutulong sa mga mag-aaral na magkaroon ng mataas na antas ng kaalaman sa mga paksang saklaw ng kursong Kontekstwalisadong Komunikasyon sa Filipino. Malay ang mananaliksik sa katotohanang ang teknolohiya at mga birtuwal na plataporma ay may mahalagang papel sa buhay ng mga mag-aaral lalo na bilang kaagapay sa pagbubungkal o pag-unawa ng mga aralin at sa iba’t ibang asignatura. Tiniyak ng pananaliksik na masuri ang katangian ng WIKAalaman na web-based tool batay sa iba’t ibang pamantayan, matukoy ang antas ng pag-unawa ng mga mag-aaral batay sa mga paksa tungkol sa wika, at makita ang implikasyon ng nabuong web-based tool sa kawilihan ng pagkatuto ng mga mag-aaral sa kursong KONKOMFIL. Ang pananaliksik ay nilahukan ng tatlumpung (30) mag-aaral. Sa pagsusuri ng katangian ng web-based tool, naitala ang weighted mean na nasa pagitan ng 4.65 hanggang 4.73. Samantala, sa pagtatasa ng kaalaman ng mga kalahok sa mga paksang may kinalaman sa wika ay nakapagtamo ng weighted mean na nasa 0.81 hanggang 0.99. Ipinahayag din ng lahat ng kalahok na ang paggamit ng web-based tool ay may makabuluhang kontribusyon sa pagpapalawak ng kanilang kaalaman sa asignaturang Kontekstwalisadong Komunikasyon sa Filipino Susing-Salita: web-based tool, kagamitang pampagtuturo, wika, komunikasyon