ISSN: 2782-893X
eISSN: 2799-0664
Sa kabila ng bagong hamon na kinahaharap ng edukasyon sa paglaganap ng COVID-19 Pandemic at sa paglulunsad ng tinatawag na “new normal” sa sektor ng Edukasyon; nananatiling pokus ng kurikulum sa Filipino ang paglinang ng kakayahang komunikatibo ng mga mag-aaral. Sa maraming pag-aaral, inilatag ang kongklusyong upang matamo ang kakayahang ito ng mga mag-aaral, isa ang kakayahang panlingguwistika sa mga aspektong dapat malinang sa kanila. Mahalaga kung gayon ang pagtataya sa kakayahang panlingguwistika upang matamo ang nasabing layunin ng kurikulum sa “new normal”. Bunsod nito, isinagawa ang pananaliksik na naglalayong: una, matukoy ang antas ng kakayahang panlingguwistika ng mga mag-aaral sa kolehiyo ng Edukasyon ng Arellano University- Manila sa “New Normal” batay sa sumusunod na varyabol (a) salitang Pangnilalaman, (b) salitang Pangkayarian, at (c) mekaniks. Ikalawa, mailarawan ang pagkakaiba ng kakayahang panlingguwistika ng mga mag-aaral ayon sa mga nabanggit na varyabol. Ikahuli, mailahad ang kaugnayan ng mga salik gaya ng unang wika, at eksposyur sa midya sa antas ng kakayahang panlingguwistika ng mga mag-aaral. Sa pamamagitan ng teknik na random sampling, pinili ang kabuoan na 100 mag-aaral at ipinasagot ang pagsusulit gamit ang Google Form na dumaan sa balidasyon. Matapos matuos ang datos gamit ang ang pagkuha ng mean, pagraranggo; limang eskalang batayan ni Richardson (2011) at ang F-Test /Post Hoc Analysis, natukoy na hindi pa ganap na nalilinang ang kakayahang panlingguwistika ng mga mag-aaral, matapos na makuha ng mga mag-aaral ang “mababa” na antas sa halos lahat ng aspekto ng gramatika. Natuklasan din na magkakaiba ang antas ng kanilang kakayahang panlingguwistika sa mga bahagi ng panalita at mekaniks; at may kaugnayan ang unang wika, at eksposyur sa midya sa antas ng kakayahang panlingguwistika ng mga magaaral. Dahil dito, iminumungkahi ang mga sumusunod na batayang aklat sa pagtuturo– Filipino 1: Sining ng Komunikasyon sa Akademikong Filipino ni Arogante J. et al. (2017), Balarilà ng Wikang Pambansa ni Galileo Zafra at ang KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat upang mapaigting ang kakayahang panlingguwistika ng mga mag-aaral.