ISSN: 2782-893X
eISSN: 2799-0664
Ang pag-aaral ay naglalayong masuri ang implementasyon ng programang MTB-MLE
sa Munisipalidad ng Polanco sa lalawigan ng Zamboanga del Norte sa pamamgitan ng pagtatasa
sa kasalukuyang polisiya ng MTB-MLE sa pangkalahatan nitong layunin, at sa kahusayan ng mga
guro sa pagtuturo.
Ginamit sa pag-aaral na ito ang kwantitatib-deskriptib sa pamamagitan ng ebalwatib na
pamamaraan dahil ito ay isang proseso na naglalayon sa pagtipon, pagsuri, pag-uri at pagsukat ng
mga datos tungkol sa kasalukuyang kondisyon, gawain, paniniwala at proseso, at pagbibigay ng
angkop at tamang interpretasyon na ginagamitan ng mga pantulong na istatistikal na pamamaraan.
Ang mga guro ay lubos na sumang-ayon sa paggamit ng MTB-MLE na may kwalipikasyong
napakahusay. Ito ay nagpapakita lamang na bukal sa kanilang loob ang pagtanggap sa bagong
programa na ipinatupad ng Kagawaran ng Edukasyon sa ilalim ng K to 12 Kurikulum. Puspusan
din ang ginawang pagsubabay ng Kagawarang Pang-edukasyon sa ikauunlad ng Implemensyon
ng MTB-MLE sa bawat paaralang nasasakupan. Ang kasalukuyang polisiya sa pangkalahatan
nitong layunin ay lubos na sinasang-ayunan ng mga respondent.
Sa pananliksik na ito ay iminungkahi na hikayatin ang mga guro, mananaliksik atbp., na gumawa
ng mga diksyunaryo ayon sa Wikang Cebuanong Binisaya na nakasanayan at nakagisnan ng mga
mag-aaral at magkaroon pa ng ibayong rebisyon sa mga aklat, modyul at iba pang kagamitan na
ginagamit sa pagtuturo ng unang wika upang maiangkop ito sa lugar na gumagamit nito. Ang
pagkakaroon ng mga karagdagang seminar o pagsasanay na nakapokus sa MTB-MLE ay
makakatulong din sa mga guro para sa mas lalong paghubog ng kanilang kakayahan at kaalaman.
Iminumungkahi na higit pang paigtingin ang implementasyon ng programa sa pamamagitan ng
pagsasagawa ng ebalwasyon sa mga paaralan ng kasalukuyang kalagayan ng MTB-MLE at
tingnan muli ang mga superbison sa dibisyon kung paano isinasagawa at sinusunod ang polisiya
ng DepEd Order 74 s 2009. Ang mga punong-guro at mga pinuno ng Kagawarang Pang-edukasyon
ay dapat maglunsad ng mga programa, palatuntunan at patimpalak upang higit na mapaunlad at
malinang ang kakayahan at kasanayan ng mga guro at mag-aaral.
Para sa mga magulang, komunidad at sa mga taong maging sangkot sa programang ito,
iminungkahing magkaroon ng oryentasyon upang mas maunawaan ng nakararami ang nasabing
programa.