SUBMIT ARTICLE
ISSN: 2782- 893X
eISSN: 2799-0664

Antas ng Kasanayan sa Pagtatayang Pangklasrum sa mga Asignaturang Filipino

IJAMS Publisher

AUTHOR(S)

Marvel S. Malaque



ABSTRACT

Ang pag-aaral na ito ay isang kwantitatibo-kwalitatibong uri ng pananaliksik na may disenyong sequential explanatory. Pangunahing layunin nito ang tayahin ang kasanayan ng mga guro sa pagtatayang pangklasrum sa mga asignaturang Filipino. Bilang ng taon sa serbisyo at edukasyong natamo ng mga kalahok ang mga baryabol sa pag-aaral na ito. Purposive enumeration sampling naman ang paraan na ginamit ng mananaliksik sa pagpili ng 32 na mga kalahok. Gumamit din ng istandardisadong instrumento, ang Classroom Observation Tool mula sa Individual Performance Commitment and Review Form (IPCRF) at talatanguan (survey questionnaire) na binubuo ng limang tanong para sa isinagawang Focus Group Discussion (FGD) para matugunan ang mga layunin ng pag-aaral.
Nakaangkla ang pag-aaral na ito sa teoryang Zone of Proximal Development ni Vygotsky (1978) sa paniniwalang ang angkop na pagtataya ay nakapagdudulot ng tagumpay sa mga mag-aaral sapagkat naipakikita nila ang sariling kaalaman, pag-unawa at mga taglay na kasanayan. Batay sa resulta ng pagsusuri, natukoy na ang pangkalahatang antas ng kasanayan ng mga kalahok sa pagtatayang pangklasrum partikular sa kasanayan ng mga gurong magdisenyo, pumili, bumuo, at gumamit ng mga pagtatayang diagnostic, formative, at summative, mga estratehiyang alinsunod sa pagpapaunlad ng kurikulum ay may antas na lubhang kasiya-siya (very satisfactory). Ibig sabihin, ang mga guro ay nasa proseso ng consolidating na nangangahulugang ang mga guro ay gumagamit ng mga magkakaugnay na mga aspekto ng pagtuturo sa mga pagtatayang pangklasrum at palagiang nakahanay sa paglinang ng mga mag-aaral at sumusuporta para sa tagumpay ng mga mag-aaral.
Napag-alaman ding ang bilang ng taon sa pagtuturo at natamong edukasyon (Educational Attainment) ay walang makabuluhang kaugnayan sa antas ng kasanayan ng mga guro sa pagtatayang pangklasrum sa mga asignaturang Filipino. Nangangahulugan lamang na ang mga bilang ng taon sa serbisyo ng mga guro ay walang kaugnayan sa kanilang kasalukuyang antas.