ISSN: 2782-893X
eISSN: 2799-0664
—— Isa sa pangangailangan ng Bagong Kurikulum ay ang paglinang sa mga kasanayang pang-ika-21 siglo sa guro at sa mga mag-aaral. Ang kasanayan sa pagsusulat ng pananaliksik ay sinubukan sa pag-aaral na ito at siyang matibay na pangangailangan sa pagkuha ng asignatura sa Filipino partikular sa Senior High School. Ang pananaliksik na ito ay naglalayong suriin at alamin ang kasanayan ng mga mag-aaral sa Senior High School sa larangan ng pananaliksik sa ilalim ng K to 12 Kurikulum. Saklaw ng pag-aaral ang iba’t ibang aspeto ng pananaliksik, kabilang ang pagpili at pagbuo ng paksa, pangangalap at pagsusuri ng datos, at pagsulat ng mga konklusyon at rekomendasyon. Ang pananaliksik na ito ay ginamitan ng deskriptibong pananaliksik, napili ng mananaliksik na gamitin ang disenyong ito na gumagamit ng talatanungan at interbyu para makalikom ng mga datos. Nakatuon ang pananaliksik na ito sa mga mag-aaral na nasa ika-12 na Baitang ng kanilang pag-aaral ng Humanities and Social Sciences (HUMSS) strand at sila ang magsisilbing respondente ng pananaliksik. Ito ay kinabibilangan ng siyamnapu’t anim (96) na Lalaki at siyamnapu’t dalawang (92) Babae na inubuo ng isandaan at walumpo’t walong (188) na kabuuang bilang ng respondente. Ipinakita ng resulta na bagaman may batayang kaalaman ang mga mag-aaral sa mga konsepto ng pananaliksik, nahihirapan silang isagawa ang mga ito sa praktikal na antas. Ang pinakamalaking hamon na kinaharap ng mga mag-aaral ay ang pagbuo o pagbalangkas ng tamang haypotesis at pagpili ng naaangkop na metodolohiya para sa kanilang mga pag-aaral. Bukod rito, ang paglalarawan sa pamamaraan ng pangongolekta ng datos ay nakakaapekto rin sa kalidad ng kanilang pananaliksik. Napag-alaman na ang suporta mula sa mga guro at pagkakaroon ng mga seminar o workshop sa pananaliksik ay may malaking kontribusyon sa pagpapabuti ng kasanayan ng mga mag-aaral. Bilang tugon sa mga natuklasan, inirerekomenda ng pag-aaral ang pagpapalakas ng mga praktikal na pagsasanay sa kurikulum, pagsusuri sa kasalukuyang kalagayan, pagtutok sa proseso ng pagsusulat at patuloy na pagpapalakas ng kolektibong pagtuturo sa pananaliksik. Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, inaasahang mas mapaghahandaan ng mga mag-aaral ang mga hamon ng mas mataas na edukasyon at ng kanilang mga napiling propesyon sa hinaharap. Keywords — Curriculum, Skills, Competency, Planning, Aspect, Research Skills, Senior High School, K To 12 Curriculum, Research Methodology.