SUBMIT ARTICLE
ISSN: 2782- 893X
eISSN: 2799-0664

Dokumentasyon At Ebalwasyon Sa Rebaytalisasyon Ng Wikang Butuanon Sa Lungsod Ng Butuan

IJAMS Publisher

AUTHOR(S)

ROLYN M. YANDUG DR. MARIE JOY D. BANAWA



ABSTRACT

— Ang wikang Butuanon ay bahagi ng mayamang kultura at kasaysayan ng Lungsod ng Butuan, ngunit sa paglipas ng panahon ay unti-unti itong naglalaho sa pang-araw-araw na gamit. Sa harap ng hamong ito, isinagawa ang pag-aaral na Dokumentasyon at Ebalwasyon sa Rebaytalisasyon ng Wikang Butuanon sa Lungsod ng Butuan upang suriin ang mga kasalukuyang inisyatiba sa pagpapanumbalik-sigla ng wika. Ginamit ang Results-Based Management (RBM) bilang balangkas upang maunawaan kung paano nakatulong ang iba’t ibang sektor at lokal na aktor ng wika—pamahalaan, akademya, midya, at komunidad—sa muling pagpapalakas ng Butuanon, at upang masukat ang epekto ng kanilang mga programa. Sa pamamagitan ng panayam at focus group discussions (FGD) sa mga guro, lingguwista, lokal na opisyal, at miyembro ng komunidad, sinuri ang mahahalagang hakbang sa rebaytalisasyon: ang pagbubuo ng opisyal na ortograpiya, ang pagsasanay ng mga guro, ang integrasyon ng Butuanon sa ilang paaralan, at ang paggamit ng midya bilang lunsaran ng adbokasiya sa wika. Natukoy na ang mga programang ito ay nagbigay-daan sa muling pagpapahalaga sa Butuanon, lalo na sa edukasyon at pangkalahatang kamalayang pangwika. Sa kabila nito, nananatiling hamon ang limitadong pondo, kakulangan sa pagsasanay ng guro, at ang patuloy na paglilipat-wika patungo sa Cebuano. Ang hindi pa ganap na koordinasyon sa pagitan ng mga stakeholder at ang pagdepende sa ilang pangunahing institusyon tulad ng LGU ay ilan din sa mga balakid sa mas matibay na pagpapatuloy ng mga programa. Sa huli, ipinapakita ng pananaliksik na hindi sapat ang pagsisikap ng iilang sektor upang mapanatili ang wikang Butuanon—kailangan ang patuloy at mas malawak na pakikilahok ng buong komunidad. Ang rebaytalisasyon ng wika ay hindi lamang isang proyekto kung hindi ito ay isang pangmatagalang paglalakbay na nangangailangan ng matibay na polisiya, mas maraming pagsasanay para sa mga guro, at mas makabagong estratehiya sa paggamit ng teknolohiya at midya. Sa ganitong paraan, ang Butuanon ay hindi lamang magiging bahagi ng nakaraan kundi isang buhay na wikang patuloy na ipagmamalaki at gagamitin ng mga susunod na henerasyon. Ang pananaliksik na ito ay mahalagang kontribusyon sa larang ng wika at kultura. Ipinapakita nito na ang rebaytalisasyon ng isang lokal na wika ay isang anyo ng pamumuhunang kultural, kung saan ang edukasyon, panitikan, at wika ay nagiging mahalagang puhunan sa pagpapalakas ng kultural na identidad at pagpapanatili ng di-nasasalat na yaman ng isang bayan. Sa pamamagitan ng mas pinagtibay na suporta sa edukasyon at midya, maaaring mapanatili at mapayaman ang Butuanon bilang isang buháy na wika—hindi lamang bilang isang alaala ng nakaraan kundi bilang isang aktibong bahagi ng hinaharap ng kulturang Pilipino. Mga Susing Salita — Rebaytalisasyon, Butuanon, Butuan, Dokumentasyon, Ebalwasyon